Ang Kuwento ng Isang Nilalang

Mula sa malalim at masikip na kinaroroonan
Dumating ang panahong siya ay lumutang
Sabik sa mundo, mga mata'y iminulat
Kislap sa mga ito'y makikita mong tiyak

Sa mahinang katawan ay nangingibabaw
Ang kasiyahang sa kanya'y iyong matatanaw
Nang lingunin ang inang sa kanya nakatunghaw
Maliit na nilalang ay muntik ng mapasayaw

Sa salansan ng dayaming pinamamalagian
Tanaw ng nilalang kariktan ng kalangitan
Ang arukin ito'y kanyang pinakaaasam
Ngunit ang katawa'y di umayon sa kagustuhan

Ang inang nakasilip ay banayad na ngumiti
Anak niya'y sadyang may malalim na mithi
Bagama't alam niyang sa huli ay hihikbi
Ang pagturo sa anak, sa puso niya'y namutawi

Dumating ang panahong ikinababahala
Ng ina sa anak mula pa noong una
Dating mahinang nilalang ngayo'y nakalilipad na
At kailangang pakawalan upang siya'y matuto pa

Wala ng sasakit pa sa pakiramdam ng ina
Nang lumisan ang anak na kanyang inaruga
Nagpupuyos na damdami'y di na inalintana
Sa Maykapal ibinigay ang lubos na pagtitiwala

Isang hamong lakbayin ang sa anak ay nakaabang
Ngunit sa puso ay naghari ang matinding kasabikan
Buong bahagi ng pagkatao'y nais mapunan
Ng magagandang karanasan at ng mga katuruan

Kaaliwan sa paglipad ng matayog na matayog
At ang pagmasid sa malalayong pook
Pati na ang kaban na'ng kalikasa'y may dulot
Ay hindi pinalagpas at unti- unting pinulot

Sa kanyang pagbabalik, ang kaligayahang lipos
Ay biglang napalitan ng isang pagkalugmok
Upang tangkilikin ng mga nakakasakop
Siya'y sapilitang kinuha at mahigpit na iginapos

Hindi sukat maunawaan, siya ay nagwala
Kagalakan sa puso ay napawi na
Bakit kailangang ikulong sa bakal na hawla?
Sa pagkakagapos paano makakawala?

O anong kasakiman ang sa puso'y umiiral
Pansariling interes ang siyang minamahal
Ngayon ang nilalang na masusing nag- aral
Ay nagkukubli na lamang sa likod ng mga bakal

Anong karapatan upang siya ay pigilan
Na ang kaban ng Salita'y kanyang mabuksan
Hindi lamang dapat makabatid ay ang iilan
Kundi ang lahat at tunay na nangangailangan

Ang ina nga niyang sa kanya ay siyang nag- aruga
Hindi siya pinigila't hinikayat pa nga
Anak man niya'y lumisan kanya itong binalewala
Sapagkat nais niyang limiin nito ang Salita

Anong silbi ng kanyang pakpak kung iyong pagkakaitan
Ang minimithing paglaya ay ikakahon mo lang
Tandaang walang halaga ang iniingatang kayamanan
Kung ang pinaiiral sa puso'y matinding kasakiman

Sa likod ng kuwento na iyong binasa
Anong repleksiyon ang lilitaw kaya?
Maari mong ikomento o kaya'y ipadala
At maghihintay lamang ang makatang dyakonesa

"Taos na Pasasalamat"

Isang tulang aking iniaalay sa aking sponsor, Ma'am Rebecca Padua na siyang patuloy na ginagamit ng Diyos upang maging pagpapala sa akin at sa iba. Maraming salamat po tita.
 
 
Hindi ko man mabanggit sa inyong harapan
Kayo'y aking tunay na pinasasalamatan
Sa walang duda at walang sawang pagbibigayan
Na inyong ipinakita noong una pa lamang

Ako'y tunay na hindi karapat-dapat
Upang tulong ninyo ay aking malasap
Sapagkat ako'y isa lang hamak
Na ordinaryong tao sa inyong harap

Ngunit salamat po sa pagtitiwala
Na inyong iginawad sa akin tuwina
Bagaman ako'y hindi ninyo kilala
Ay tinulungan at inyong pinagpala
 
Sa aking pagkakatawag sa kursong ito
Hindi makatutugon kung wala po kayo
Kaya naman sana'y tanggapin ninyo
Ang pasasalamat na taos sa aking puso